Umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa El Niño.
Ayon sa Department of Agriculture, nasa 223,214 magsasaka at 249,028 ektarya ng agricultural areas ang apektado na, habang nasa 163,812 metric tons ang kabuuang production losses sa mga pananim, livestock at poultry.
Kabilang sa mga rehiyong nakapagtala ng pinsala ang Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN at Caraga.
Bilang tugon, nakapaglaan na ang DA ng P10.96 bilyong halaga ng interventions at iba pang tulong para sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, sinabi ng DA na stable pa ang water levels ng major dams, at lahat ng reservoirs ay nananatiling higit sa kani-kanilang Low Water Level.
Nakapag-install din ang DA ng 338 water pumps para dagdagan ang water supply sa mga agricultural areas sa Regions II, III, IV-A, IV-B, V, VI at IX.
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang unang kalahati ng 2027 at posibleng umabot sa very strong state bago matapos ang 2026.