Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon matapos maitala ang minor Strombolian activity sa nakalipas na 24 oras, ayon sa DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.
Batay sa bulletin ngayong araw, Setyembre 27, 2026, nakapagtala ang Mayon ng 18 volcanic earthquakes, habang nakita rin ang banayad na crater glow o liwanag mula sa bunganga.
Nakunan ng camera ang minor Strombolian activity sa summit crater ng Bulkang Mayon bandang 10:13 PM kagabi, Setyembre 26, 2026, kung saan nagbuga ito ng plume na umabot sa tinatayang 1,000 metro mula sa summit crater.
Naitala rin ang sulfur dioxide emission na 1,249 tonelada kada araw noong Setyembre 26.
Patuloy ding namataan ang 500-metrong taas na plume mula sa crater na patungo sa timog-kanluran, habang may naitalang pamamaga o ground deformation sa hilagang-silangang bahagi ng bulkan.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone sa paligid ng Mayon at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibleng steam-driven o phreatic explosions, rockfall mula sa bunganga, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan. Patuloy na pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso ng PHIVOLCS at mga lokal na awtoridad.