Itinutulak ng Department of Tourism (DOT) ang responsableng paggamit ng artificial intelligence at iba pang digital tools upang gawing mas madali, accessible, at maayos ang paglalakbay sa Pilipinas.
Sa mensahe ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay para sa World Tourism Day ngayong Setyembre 27, sinabi niyang nagbabago ang teknolohiya sa paraan ng pagtuklas at pagdanas ng mga tao sa iba’t ibang mga destinasyon.
Ayon sa kalihim, mahalagang nakabatay sa tiwala, maaasahang datos, pananagutan, at serbisyo publiko ang paggamit ng AI at digital technology.
Patuloy rin aniya ang koordinasyon ng pamahalaan sa pagbabahagi ng impormasyon at kaalaman upang maging mas seamless ang tourism experience ng mga biyahero.
Bahagi rin nito ang pagpapalawak ng “Love the Philippines” sa digital space, kabilang ang pagsusulong sa mga destinasyon at lokal na negosyo, gayundin ang pagprotekta sa mga turista.
Hinimok ni Angara-Mathay ang sektor ng turismo na magpatuloy sa responsableng inobasyon at pagtutulungan para sa isang industriyang mas matalino, konektado, at higit sa lahat, makatao. Samantala, ayon sa pinakahuling datos ng DOT, umabot na sa 4.11 milyon ang foreign visitor arrivals sa Pilipinas mula Enero hanggang Agosto 2026, mas mataas ng 3.7% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.