Hinimok ni House prosecution panel spokesperson at adviser Ace Barbers ang Office of the Ombudsman na imbestigahan ang pahayag ni Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr., dating head of security ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, na umano’y naghatid siya ng mahigit ₱2 bilyong cash sa kampo ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, dapat siyasatin ang alegasyon at magsampa ng kaukulang kaso kung may sapat na batayan.
“We will probably seek the intervention of the appropriate agency. In this case, this is the Ombudsman, who has to conduct the investigation and file the necessary charges if it merits the filing of such charges against the respondent,” ani Barbers.
Hindi naman na aniya maisasama ang bagong alegasyon sa kasalukuyang impeachment trial dahil hindi ito kabilang sa mga isyung itinakda sa pre-trial conference at trial order.
Iginiit naman ni Barbers na hindi dapat balewalain ng mga ahensya ng gobyerno ang naturang impormasyon kahit hindi na ito maisama sa impeachment.
Pinabulaanan din niya ang alegasyong pakana ng House prosecution panel ang paglabas ni Gracioso bilang testigo.
Aniya, hindi naman puwedeng turuan si Gracioso kung kailan niya dapat ilabas ang kaniyang nalalaman.
Aniya, kung noon pa nalaman ng prosecution panel ang naturang impormasyon, sana ay inilabas na nila ito at isinama sa Articles of Impeachment.
“Siguro nakita niya na panahon na ilabas niya ito, dahil siguro nababagabag siya ng kanyang konsensya, kung kaya’t nilabas niya ito…It doesn’t necessarily follow that kung lumabas ito sa panahon na merong impeachment, ito ay ginawa ng prosecution. I don’t see any logic behind that,” diin Barbers.
Samantala, itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Gracioso o tumanggap siya ng pera mula rito.