Magpapatuloy pa rin ang impeachment trial kahit magkaroon ng banta ng hindi pakikilahok ang mga senador mula sa minorya, at sa posibleng pag-boycott ng defense lawyers sa mga pagdinig.
Ayon kay House Prosecutor Ysabelle Zamora, magiging mas maikli na lang ang paglilitis.
Gayunpaman, nilinaw ng prosekusyon na hindi nito babaguhin o aalisin ang mga planong ebidensya anuman ang maging desisyon ng mga senador sa pagdinig.
Giit nila, may mas malawak silang madlang pinagtutuunan ng pansin bukod pa sa mismong impeachment court.
Samantala, nilinaw nina House Prosecutor Joel Chua at legal spokesperson Jay Tolosa na itutuloy pa rin ng Senado ang paglilitis kahit hindi sumipot ang mga abogado ng Bise Presidente.
Ayon kay Tolosa, ang hindi pagdalo ng mga abogado ng depensa ay mangangahulugang isinusuko na nila ang kanilang karapatang i-cross-examine ang mga iniharap na saksi.
Nabanggit naman ni Chua na kung sakaling tuluyang hindi sumipot ang legal team ni VP Sara, may kapangyarihan ang impeachment court na magtalaga ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) upang kumatawan sa kanya.
Binigyang-diin ng prosekusyon na nakatutok sila sa pagtupad ng Senado sa mandato nitong tapusin at desisyunan ang kaso alinsunod sa itinatadhana ng batas.