Nanawagan si Senator Kiko Pangilinan sa national government at mga local government unit na agad maglatag ng province-by-province preparedness plan para sa inaasahang epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Pangilinan, dapat tukuyin sa bawat lalawigan ang mga lugar na mataas ang panganib sa drought at dry spell, available na irrigation water, mga pananim na nakatanim na, mga komunidad ng magsasaka at mangingisda na maaaring maapektuhan, at mga hakbang na dapat gawin bago pa magkaroon ng malawakang pagkalugi.
Hinimok ng senador ang Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), at Local Government Unit (LGUs) na gawing localized ang mga paghahanda laban sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Pangilinan, kailangang pabilisin ng DA at NIA ang pagkukumpuni at rehabilitation ng irrigation systems, lalo na sa drought-prone areas at tiyakin ang napapanahong pamamahagi ng drought-tolerant seeds at iba pang agricultural inputs.
Dapat din aniyang maghanda ang gobyerno ng mabilis na assessment sa crop losses, affordable credit, insurance at recovery assistance para hindi malubog sa utang ang mga magsasaka at mangingisdang mawawalan ng kita dahil sa El Niño.
Iminungkahi rin ng senador ang pagkakaroon ng public dashboard na regular na magbibigay ng updates sa drought risk, water availability, kondisyon ng irrigation systems, mga apektadong agricultural areas at komunidad, at mga tulong na naihatid ng gobyerno.
Samantala, sinuportahan ni Pangilinan ang panawagang muling buhayin ang Presidential Task Force on El Niño.
Aniya, maaaring magsagawa rin ang spSenado ng oversight hearing para talakayin ang reactivation ng task force at ang kahandaan ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion