Hinihikayat ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor ng agrikultura na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang ma-insured ang kanilang mga produkto sa panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay PCIC Vice President Melba Manalo, sinabi nito na mayroong sapat na pondo ang kanilang ahenya upang bayaran ang mga rehistradong miyembro na nakaranas nang pagkalugi dulot ng epekto ng masamang panahon o iba pang pangyayari.
Ayon kay VP Melba, mahalaga sa panahon ngayon na insured ang mga tanim lalo na ang high valued crops, mga alagang hayop, makinarya at maging ang mga magsasaka para mabawi ang kanilnag mga gastos sa panahon ng pagkalugi.
Sinabi rin ng opisyal na mahalaga sa pagtatanim ang pananim na naaayon sa panahon dahil makararanas aniya ang bansa ng matinding tag-init dulot ng El Niño.
Ani VP Melba, bagama’t posible na marami ang maapektuhan ng Super El Niño sa bansa, handa aniya ang kanilang ahensya at patuloy ang kanilang koordinasyon sa Department of Agriculture maging sa mga lokal na pamahalaan upang makatulong sa kanilang mga miyembro.
Ayon pa kay VP Melba, nakapagbayad na ang PCIC ng kabuoang mahigit 2 bilyong piso sa higit 300,000 magsasaka sa kasalukuyan na naapektuhan ng mga pagbaha dulot ng bagyo at habagat.