Puspusan na ang pagkilos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang Office of Civil Defense (OCD) upang maging mabunga ang PREPARE o ang 7-point Resilience Agenda at ang Strategic Infrastructure Development and Management Plan (SIDMP).
Sa panayam ng PTV kay OCD Spokesperson at Director 3 ng Disaster Preparedness Service, Director Vicente Gregorio Tomas, sinabi niyang mahalaga na maisakatuparan ang nasabing resilience agenda at management plan upang maitaas pa ang antas ng disaster response and preparedness ng bansa.
Malaking bagay kasi kung lahat ng sektor mula sa pinakamaliit na unit, lokal na pamahalaan, at national level agencies ay magiging handa sa anumang banta ng sakuna.
Target dito ng OCD ang mas organisado at sistematikong disaster response and preparedness, pagtatayo ng mga disaster resilient infrastructure gayundin ang pagsunod sa risk assessment, anticipatory actions, pagpapalakas ng systems at protocol, monitoring at pagpapahusay ng DRRM capacity.
Dagdag pa ni Tomas, na mas pinahuhusay rin ngayon ng OCD ang public awareness and disaster preparedness campaign sa pamamagitan ng mas komprehensibong early warning systems na ipinatutupad sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga SMS alert sa lahat ng Pilipino sa buong bansa oras na may naka-ambang sakuna sa kanilang lugar.