Umabot na sa mahigit P5.5 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dulot ng very strong El Niño sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Batay sa pinakahuling situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), as of 8AM ngayong October 5, umaabot na sa 201,322 na magsasaka at mangingisda ang apektado ang kabuhayan.
Pinakamaraming naapektuhan sa Region 2, habang may mga apektado rin sa CALABARZON, Region 5, Region 9, Region 11, Region 12 at CARAGA.
Sa kaparehong datos, umabot naman sa kabuuang 388,375 na indibidwal o 104,149 na pamilya ang apektado ng very strong El Niño.
Isinailalim naman sa state of calamity ang 106 na lungsod at bayan, kung saan 66 dito ang nasa Region 2.
Samantala, nasa mahigit P39 milyon halaga ng tulong ang naipaabot ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya. | ulat ni Diane Lear