Para mapalakas ang tsunami awareness at preparedness sa Metro Manila, isang “Tsunami! Run for Safety” campaign ang isasagawa ng DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ngayong October.
Target isagawa ang 5-km advocacy run sa October 24 sa SM Mall of Asia sa Pasay City, katuwang ang ARISE Philippines, Pasay City Government at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Layon ng programa na mailapit sa mga komunidad, partikular sa mga coastal area ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigang maaaring maapektuhan ng Manila Trench, ang tamang impormasyon at paghahanda laban sa tsunami.
Ayon kay DOST-PHIVOLCS Director Dr. Teresito C. Bacolcol, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, pribadong sektor at mga komunidad para matiyak na alam ng publiko ang panganib at ang agarang hakbang na dapat gawin.