Mahigpit ang isinasagawang ugnayan at koordinasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang aksiyunan at hindi na sumirit pa ang inflation rate sa bansa kasunod ng naitalang 7.2 percent na inflation rate.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay PSA Price Statistics Division, Chief Statistical Specialist Glen Polo sinabi nitong hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagpapatupad ng intervention measures upang salagin ang epekto ng inflation.
Ani Polo, bagamat inaasahang magiging malaking hamon ang natitirang buwan ng taon na sasabayan pa ng epekto ng El Niño ay masigasig ang pamahalaan na masolusyunan ito.
Ilan nga sa mga paraang ito ang importasyon ng mga produkto tulad ng bigas, at iba pang agri products na makararanas ng kakulangan.
Palagian din ang nagiging ugnayan ng PSA sa economic managers at sa key government agencies upang agad na maaksiyunan at hindi tuluyang sumirit ang presyo ng mga bilihin.
Pagdating naman sa presyo ng petrolyo ay naka-ambag pa rin ito ng malaki sa inflation bunsod ng hindi pa rin natitigil na tensiyon sa Gitnang Silangan, ngunit makatitiyak na nakabantay dito ang PSA katuwang ang Department of Energy, upang mas maging epektibo ang mga pagpa-plano at intervention actions para sa mga posibleng solusyon kontra sumisipang presyo ng langis.