Nag-negatibo sa ilegal na droga si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio.
Ito ay batay sa resulta ng drug test na isinagawa sa isang pribadong ospital sa Quezon City ngayong araw.
Lumabas na negatibo siya sa walong uri ng droga, kabilang ang shabu, marijuana, cocaine at ecstasy.
Sa phone interview ng media sa Camp Crame, sinabi ni Respicio na agad siyang nagpa-drug test matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mukha siyang gumagamit ng droga, kaugnay ng kanyang naging asal sa regular session ng bayan.
Pinili raw niya ang pinakakomprehensibong drug test para wala nang tanong, at pinare-refund din niya kay Remulla ang P28,000 na ibinayad niya rito.
Hinamon din ni Respicio si Remulla na sa halip daw na tutukan ang kanyang asal, dapat ding imbestigahan ang mga opisyal ng Reina Mercedes dahil sa umano’y anomalya sa pondo ng tobacco excise tax na ginamit sa mga ghost project.
Handa naman daw siyang tanggapin ang anumang suspensyon, at humingi rin siya ng paumanhin kay Remulla. | ulat ni Diane Lear