Photo courtesy of Museo de San Miguel
Pormal nang ipinamamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ang “PASS-yal Museo Bulacan Pamana Pass.” Ito ay isang heritage passport at tourist guide booklet na naglalayong hikayatin ang mga mamamayan na balikan at bisitahin ang makasaysayang mga lugar ng probinsya.

Tampok dito ang 24 na lokal na museo at makasaysayang istruktura sa buong lalawigan na maaaring sadyain ng mga turista gamit ang Bulacan Pamana Pass. Libreng itong makukuha sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa Lungsod ng Malolos o sa iba pang mga kabahaging museo sa iba’t ibang bayan ng Bulacan.
Sa programang Iskultura, ipinahayag ni John Louie B. Esguerra, Heritage Coordinator ng PHACTO ng Bulacan, na ang pasaporte ay hindi lamang isang simpleng gabay sa paglalakbay, kundi simbolo ng pagpapahalaga sa kultura at kalinangan na nagsisilbing moog ng kasaysayan ng bansa. Nanawagan din siya sa mga guro, mag-aaral ng arkitektura at turismo, heritage advocates, at history majors na samantalahin ang pagkakataong ito upang palawakin ang kanilang kaalaman.
Katulad ng isang tunay na pasaporte, ang mga turista ay makatatanggap ng opisyal na tatak o stamp sa tuwing bibisita sila sa mga itinalagang pook-pamana. Ilan sa mga pangunahing museong kabahagi sa programa ay ang Hiyas ng Bulacan Museum (Malolos), Museo de San Miguel (San Miguel), NHCP Museo ni Mariano Ponce (Baliwag), Museo de Pulilan (Pulilan), NHCP Museo ni Marcelo H. del Pilar (Bulakan), Museo ng Pamanang Meycaueño (Meycauayan), at marami pang iba.
Bukod sa koleksyon ng mga tatak, maaaring magamit ang Pamana Pass upang makakuha ng discounts at freebies sa mga kalapit na kainan, tindahan, at iba pang tourism-related establishments na katuwang ng PHACTO sa proyektong ito.
Para sa mga makakakumpleto ng pagbisita sa mga pook-pamana, gagawaran sila ng pamahalaang panlalawigan ng sertipiko at ng prestihiyosong “PASSyal Pamana Badge” bilang pagkilala sa kanilang suporta sa lokal na sining at kasaysayan ng Bulacan.