Muling nagpulong ang Quezon City government para talakayin ang mga paghahanda at hakbang laban sa posibleng epekto ng El Niño.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pulong kasama ang mga kinatawan muna QC Disaster Risk Reduction and Management Department, Climate Change and Environmental Sustainability Department, City Health Department, Public Affairs and Information Service Department, at QC Fire District.
Tinalakay rito ang koordinasyon sa mga water concessionaire at shopping mall, gayundin ang sama-samang pagkilos ng mga departamento para matiyak ang maagap na pagtugon sa posibleng epekto ng matinding init at kakulangan sa suplay ng tubig.
Sa ngayon, kabilang sa mga hakbang ng Quezon City laban sa posibleng epekto ng El Niño ang paghahanda ng mga kagamitan, pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan, at pagrerepaso sa mga protocol para sa mga maaapektuhang residente.
Sa usapin ng kagamitan, may anim na serviceable na mobile water tanker ang PDAD para sa non-potable water. Samantala, nakatakdang bumili ang Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ng dalawang mobile water tanker sa susunod na taon—isa para sa potable water at isa para sa non-potable water.
Nakapag-secure rin ang lungsod ng 50 water filtration unit ngayong taon. Mayroon ding isang mobile water filtration unit na inaasahang maihahatid bago matapos ang taon.
📸 QC LGU

