Naghain si Senator-Judge Kiko Pangilinan ng motion for reconsideration para muling pag-isipan ang ruling ng Impeachment Court na alisin ang sub judice rule sa Articles I, III at IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos tumutol si Lead Defense Counsel Atty. Sheila Sison sa pag-aalis ng sub judice rule sa tatlong binawing artikulo dahil maaari aniya itong magbunsod ng walang kontrol na mga pahayag at akusasyon laban kay VP Sara na maaaring makompromiso sa kanyang karapatan.
Ipinaliwanag naman ni Presiding Officer Chiz Escudero na layunin ng pag-aalis ng sub judice rule (rule 18) sa mga binawing artikulo na mabigyan ang Bise Presidente ng pagkakataong sagutin sa publiko ang mga alegasyong hindi na pagdedesisyunan ng Impeachment Court.
Nilinaw rin ni Escudero na ang mga senator-judge ang pwedeng umapela o maghain ng motion for reconsideration sa anumang ruling ng presiding officer.
Dahil dito, si Senator-judge Kiko na ang nag mosyon para ikonsidera ang bahaging ito ng ruling. Sinabi naman ni Escudero na magkakabisa ang mosyon ni Pangilinan kapag naipabatid na ng depensa ang posisyon ni VP Sara sa usapin at pinahintulutan siyang resolbahin ito kahit habang naka-recess ang impeachment court.