Nadagdagan pa ang mga flood control project na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, 26 ang nadagdag sa listahan ng kanilang bubusisiin.
Pinakamarami naman dito ang hawak ng Southeastern Mindanao Regional Office, na may siyam na iniimbestigahan, sumunod ang Bulacan District Office na may pitong kaso at ang Cebu District Office na may limang kaso.
May iniimbestigahan din ang Fraud and Financial Crimes Division na dalawang kaso, at tig-iisa naman sa Bulacan South District Office, Bayombong District Office at Calabarzon Office.
Bukod naman ang mga flood control project na ito sa mga kasong naisampa na sa Ombudsman at naisumite sa Department of Justice. Hindi na rin kasama rito ang 47 proyekto na iniimbestigahan nila sa Davao City, sa distrito ni Congressman Paolo Duterte.