Umabot sa apatnapu’t tatlong (43) Persons Deprived of Liberty o PDL ang lumaya sa ilalim ng bagong programa ng Bureau of Corrections na “Bilis Laya.”
Ang programa ay layong gawing mabilis ang pagproseso ng paglaya ng mga karapat-dapat na PDL habang pinangangalagaan ang hustisya at pagsunod sa batas.
Karamihan naman sa mga napalayang PDL ay kumpleto na ang mga dokumento, natapos na ang sentensiya o nabigyan ng parole kaya mabilis nang napalaya.
Higit dalawang daang (200) boluntaryong abogado naman ang nagtulungan upang suriin ang mga dokumento sa loob ng isang araw.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., makasaysayan ang tagumpay na ito na naisakatuparan sa tulong ng mga boluntaryong abogado at sa suporta ni First Lady Liza Araneta-Marcos, na nagpunta sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Bukod sa makasaysayan ang programa, makasaysayan din ang pagbisita ng unang ginang sa Bilibid sa kauna-unahang pagkakataon.