Hindi sapat ang paglipat sa digital platforms kung mananatiling mabagal at kumplikado ang mga proseso ng pamahalaan. Ito ang babala ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) sa mga bansang nagsusulong ng digital transformation sa kanilang mga serbisyo publiko.
Sa unang sesyon ng ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network sa Taguig City, binigyang-diin ni Daniel Trnka, senior regulatory adviser ng OECD, na dapat munang pasimplehin ang mga proseso bago ito isailalim sa digitalization.
Ayon kay Trnka, kung ililipat lamang sa digital platforms ang mga hindi episyenteng proseso, mananatili ang mga problemang kinahaharap ng mga mamamayan at negosyo.
Aniya, hindi maaaring gawing episyente ng teknolohiya ang isang magulong sistema kung hindi muna aayusin ang mga hakbang at requirement sa pagkuha ng mga serbisyo.
Kabilang sa mga dapat umanong tugunan ang paulit-ulit na pagsusumite ng dokumento, magkakapatong na regulasyon, at mabagal na pagproseso ng mga permit at lisensiya.
Binigyang-diin ng OECD, na dapat magkasabay ang pagpapasimple ng regulasyon at paggamit ng digital technology upang makapaghatid ng mas mabilis, malinaw, at episyenteng serbisyo publiko, na makababawas sa pasanin ng mga mamamayan at negosyo.