All set na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa taunang paggunita ng UNDAS 2026.
Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Head Atty. Vic Nuñez, aabot sa 2, 419 na mga tauhan nila ang ipakakalat para sa Undas.
Paiiralin din ang no-day off, no-absent policy para matiyak na may sapat silang bilang ng mga tauhan na magbababantay sa mga kalsada.
Paliwanag ni Nuñez, naglalatag na sila ng traffic management plan papunta sa mga pantalan, paliparan, at mga bus terminal.
Kaugnay nito, magsasagawa rin sila ng regular na inspeksyon sa mga bus terminal para ma-check ang kondisyon ng mga sasakyan gayundin ng mga driver sa ilalim naman ng drug testing.
Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa pamunuan ng NLEX at SLEX para sa monitoring ng traffic ng mga sasakyan na papasok at lalabas ng Metro Manila.
Iiral ang Oplan Undas ng MMDA ng October 24 hanggang November 3.
Kaugnay nito, sinabi naman ni MMDA Chairperson Atty. Don Artes na bibigyan nila ng sapat na tubig at pahinga ang kanilang mga tauhan lalo’t tiyak na mabababad sila sa matinding init dulot ng umiiral na El Niño.
Kaya naman, gumugulong na rin ani Artes ang procurement para sa mga preskong uniporme gaya ng dry-fit shirt at shorts para sa kanilang mga tauhan.