Iminumungkahing maglaan ng ₱7.58 bilyon ang pamahalaan para sa programang pangkapayapaan at pangkaunlaran sa mga komunidad na apektado at nanganganib na maapektuhan ng armadong tunggalian sa bansa, sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), layunin ng pondong ito na maisakatuparan ang 256 na proyektong pang-imprastraktura, na mas mataas ng 83 proyekto o halos 48% kumpara sa 173 na target noong 2026.
Target din ng programang PAyapa at MAsaganang PamayaNAn o PAMANA na mabigyan ng tulong pang-edukasyon ang 16,150 estudyante.
Sa kabuuang pondo, ₱6.09 bilyon ang nakalaan para sa mga proyekto sa ilalim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU. Kabilang dito ang mga sistema ng suplay ng tubig, kabuhayan, imprastraktura ng komunidad, elektripikasyon sa kanayunan, suporta sa agrikultura at pangisdaan, at mga programang pangkaunlaran.
Samantala, ₱1.40 bilyong ang iminumungkahing ilaan sa Department of Social Welfare and Development para sa mga programang pangkabuhayan, pangangasiwa at pagsubaybay sa PAMANA Peace and Development Fund, at Social Case Management.
May nakalaang ₱32.29 milyon naman para sa PhilHealth upang mabigyan ng National Health Insurance Program coverage ang 6,458 na benepisyaryo ng PAMANA.
Dagdag pa rito, ₱58.04 milyon ang iminumungkahing pondo para sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP, para sa mga serbisyong pangpamamahala at pagpapalakas sa mga katutubo, tulong legal at pangkarapatang pantao, at pag-access sa mga pangunahing serbisyong panlipunan.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, hindi sapat ang mga hakbang pangseguridad lamang upang mapanatili ang kapayapaan. Mahalaga rin aniya ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon, pakikilahok sa pamamahala, at sama-samang pagkilos tungo sa iisang kinabukasan.