Hindi matitinag si Pinoy Workers Party-list Representative Karl Fernandez Legazpi sa kanyang paninindigan para sa karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Chinese embassy hinggil sa posisyon ng mga mambabatas sa ginawang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Ayon kay Legazpi, bagama’t wala siyang kagustuhang magkaroon ng gulo o giyera sa pagitan ng Pilipinas at China, hindi umano siya pwedeng manahimik habang patuloy na ginigipit at pinalalayas ng mga barko ng People’s Republic of China ang mga mangingisdang Palaweño sa sariling karagatan ng bansa.
Inihayag pa ng mambabatas na kung may kapalit man o epekto sa kanya ang paninindigang ito — katulad ng hindi na pagpapahintulot na makabisita sa bansang Tsina — ay nakahanda niya itong tanggapin bilang maliit na sakripisyo para sa bayan.
Giit ng party-list solon, mahirap man ang sitwasyon, mahalagang maipagtanggol ang soberanya at dignidad ng bansa para sa susunod na henerasyon.