Walang nakikitang legal na batayan ang prosecution team upang hilingin ng depensa ang pagbasura sa natitirang paratang laban kay VP Sara Duterte.
Binigyang-diin ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na nakapagpresenta ang prosecution ng matitibay na ebidensya kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth) ng Bise Presidente.
Ayon kay Luistro, bagama’t may karapatan ang mga abogado ni Duterte na kwestyunin ang mga ebidensya sa pamamagitan ng paghahain ng demurrer to evidence, ang Senado pa rin—na tumatayong impeachment court—ang magdedesisyon kung pahihintulutan ang naturang hakbang.
Layon ng demurrer to evidence na hilinging ibasura ang kaso pagkatapos ng presentasyon ng prosecution, sa argumentong kulang o hindi sapat ang ebidensya para patunayan ang sakdal.
Inamin ni Luistro na walang precedent ng paghahain ng demurrer to evidence sa isang impeachment trial sa Senado.
Gayunpaman, may kapangyarihan umano ang impeachment court na magpasya ukol dito dahil iba ang proseso nito kumpara sa mga karaniwang kaso sa korte.