Muling pinagtibay ni Education Secretary Sonny Angara ang determinasyon ng Department of Education (DepEd) sa makatarungang alokasyon sa imprastraktura, at binigyang-diin na ang paglalaan ng mga silid-aralan ay dapat tumutugon sa pangangailangan ng mga paaralan at nakatuon sa mga lugar na nahaharap sa pinakamatinding kakulangan.
Binigyang-diin ni Secretary Angara na isinasama ng DepEd ang pamantayang nakabatay sa datos sa estratehiya nito sa konstruksyon, habang binigyang-pansin ang ulat mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) tungkol sa kakulangan sa alokasyon sa mga lokal na pamahalaan (LGU) na may pinakamataas na tinatayang kakulangan base sa paunang alokasyon para sa 2026.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 038, s. 2026, ang pagsusuri ng pangangailangan sa silid-aralan ng Kagawaran at ang mga validated na prayoridad sa lokasyon ng paaralan ang nagsisilbing basehan sa pagtukoy ng mga proyektong ipatutupad, kabilang ang mga proyektong sa pakikipagtulungan sa mga kwalipikadong LGU.
“We share the same mission with EDCOM. Through strategic partnerships with qualified LGUs, we ensure that resources go directly to where our schools and learners need them most,” ani Secretary Angara.
“Ang alokasyon natin para sa mga silid-aralan ay dapat direktang tumutugon sa mga eskwelahang pinakamatindi ang pangangailangan. Kailangan nakabase sa tunay na datos ang ating mga desisyon para bawat pisong inilalaan natin, tunay na nararamdaman sa ating mga paaralan.”
Pinahalagahan ng DepEd ang papuri ng EDCOM 2 sa ibayong pagsisikap ng ahensya sa pagpapakilos ng iba’t ibang paraan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, at binigyang-diin na patuloy na isinasaalang-alang sa mga desisyon ang tindi ng kakulangan, kahandaan ng site, pagiging posible ng proyekto, at takdang-panahon ng pagpapatupad.
Upang mapabilis ang paghahatid ng imprastraktura, nagpapatupad ang DepEd ng malawakang estratehiya na kinabibilangan ng konstruksyong pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan (LGU), Public-Private Partnerships, DepEd Learning Continuity Spaces (LCS), at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Saklaw sa ilalim ng kasalukuyang inisyatibo sa pagpapatayo ng silid-aralan na pinangungunahan ng LGU ang 439 LGU, 1,955 na paaralan, at 8,777 na silid-aralan sa buong bansa.
Binubuo ito ng 81 panlalawigang LGU na may 4,043 silid-aralan sa 1,022 na paaralan, 127 LGU sa lungsod na may 3,123 silid-aralan sa 468 na paaralan, at 231 LGU sa munisipalidad na may 1,611 silid-aralan sa 465 na paaralan.
Kabilang dito, ang pakikipagtuwang ng DepEd sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at 48 LGU sa kasalukuyan sa ilalim ng mga tripartite agreement ay magpapatayo ng 576 na silid-aralan sa mga prayoridad na komunidad.
Upang mapalakas ang transparency at pananagutan, patuloy ang oversight ng DepEd sa pamamagitan ng regular na pag-uulat ng pisikal at pinansyal na progreso, teknikal na pagpapatunay, at mga protocol sa pagsubaybay sa antas ng dibisyon, rehiyon, at central office.
“To truly deliver for our learners, we need a transparent and evidence-based approach. It is the only way to ensure that available resources are directly translated into classrooms where they are needed the most,” binigyang diin ni Angara.