Umabot na sa ₱11.34 bilyon ang inisyal na tulong na naipagkaloob ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan na ng El Niño.
Ayon sa DA, mayorya ng pondo o nasa ₱10.81 bilyon ang inilaan para sa production support, kabilang ang mga binhi, pataba, at soil conditioner na ipinamahagi sa pamamagitan ng mga regional field office ng ahensya.
Nagkaloob din ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng ₱569.95 milyon na indemnity sa 68,980 magsasaka.
Samantala, nakapamahagi na rin ang DA ng 95,841 na hayop, kabilang ang manok, pato, baboy, kambing, tupa, baka, at kuneho, sa 92 grupo ng mga magsasaka at 306 indibidwal na benepisyaryo.
Nagsagawa rin ng cloud seeding operations sa mga sakahan at watershed sa Region II, kabilang ang Magat Dam, at Region VI, habang nagkabit din ang ahensya ng 338 water pump sa Regions II, III, IV-A, IV-B, V, VI, at IX para mapalakas ang suplay ng tubig.
Samantala, batay sa paunang pagtataya ng DA regional field offices, umabot sa ₱8.57 bilyon ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa El Niño.
Apektado rito ang 288,058 magsasaka, na may 291,154 ektaryang lupang sakahan at 220,307 metriko toneladang nawalang produksyon.

