Magsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng random drug testing sa mga driver ng pampasaherong sasakyan sa mga bus terminal sa Metro Manila bilang bahagi ng paghahanda sa Undas.
Ayon kay Brig. Gen. Allan Cruz Nobleza, direktor ng LTO Law Enforcement Service, layon nitong matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe patungo sa mga lalawigan.
Kapag nagpositibo sa drug test ang isang driver, hindi na ito papayagang magmaneho at ire-refer sa Philippine National Police (PNP) para sa kaukulang confirmatory drug test.
Bukod sa drug testing, susuriin din ng LTO ang roadworthiness ng mga sasakyan at kung sumusunod ang mga ito sa itinakdang kapasidad para maiwasan ang overloading.
Ayon kay Nobleza, magsisimula ang pag-iikot sa mga terminal sa Biyernes, October 23 hanggang 27.
Tututukan din ng operasyon ang mga colorum na sasakyan na iligal na nagsasakay ng pasahero papasok at palabas ng Metro Manila.
Samantala, magde-deploy din ang LTO ng Mobile Command Center para umalalay sa mga motorista at pasahero sa panahon ng Undas.