Ikinasa ng House Committee on Dangerous Drugs ang isang briefing ngayong araw kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.5 billion (tatlo’t kalahating bilyong piso) mula Laos patungong Pilipinas.
Layunin nitong alamin ang mga beripikadong impormasyon, estado ng imbestigasyon, at posibleng koneksyon ng Pilipinas sa nasabat na iligal na droga.
Kabilang sa mga ipinatawag na opisyal sina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Philippine Drug Enforcement Agency Director General Isagani Nerez.
Ayon sa mga ulat, nasamsam ang 23 maleta na naglalaman umano ng shabu sa Luang Prabang International Airport sa Laos bago ito maisakay sa isang chartered jet patungong Maynila.
Idinawit ni Remulla bilang umano’y financier ng operasyon si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang, habang person of interest naman ang isang pulis na umano’y nag-ayos sa pagdating ng eroplano.
Nilinaw naman ni Committee Chairperson at Las Piñas Representative Mark Anthony Santos na susundan ng komite ang mga ebidensya at bibigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang mga indibidwal na nasasangkot sa alegasyon.