Nagpalabas ng malinaw na gabay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian tungkol sa pagkuha ng Guarantee Letter (GL). Layunin nitong tiyakin sa publiko na ang tulong mula sa pamahalaan ay karapatan ng bawat Pilipino at hindi kailangang dumaan sa tulong o padulas ng sinumang politiko.
1. Ano ang Guarantee Letter (GL)?
Ang Guarantee Letter ay isang opisyal na dokumentong ibinibigay ng mga registered social workers ng DSWD para sa mga kababayang nangangailangan ng tulong-pinansyal sa gitna ng krisis.
Maaari itong gamitin para sa:
- Pambayad ng Hospital Bills (mga bayarin sa ospital)
- Pambayad ng Burial Services (serbisyo sa punerarya/pagpapalibing)
- Pambili ng Gamot o Assistive Devices
- Laboratory o Medical Procedures/Operations
2. Para kanino ito?
Naka-open ang tulong ng DSWD para sa lahat ng Pilipino — mahirap man o may kaya sa buhay. Baka nagtataka ang ilan, ngunit ipinaliwanag ni Sec. Gatchalian na basta’t ang isang tao ay kasalukuyang dumaranas ng krisis o emerhensya, bukas ang pinto ng DSWD upang mag-abot ng kinakailangang suporta.
3. Kailangan ba ng Barangay Indigency o Politiko Referral?
HINDI. Nilinaw ni Sec. Gatchalian na:
- ❌ Hindi kailangan kumuha ng Barangay Certificate of Indigency.
- ❌ Hindi kailangan ng referral letter mula sa kahit kaninong politiko o Barangay Captain.
“Wala tayong dapat pag-utangan ng utang na loob sa pagkuha ng Guarantee Letter. Buwis niyo ang nagbabayad ng mga services para sa tao dito sa DSWD,” ayon kay Sec. Gatchalian.
4. Gaano katagal bago makuha ang Guarantee Letter?
Depende sa halaga ng kinakailangang tulong ang bilis ng pagproseso:
- Mababa sa ₱150,000: Naipoproseso at naipalalabas sa mismong araw (Same Day).
- ₱150,000 pataas: Tumatagal ng 1 hanggang 2 araw.
5. Gaano kadalas pwedeng humingi ng tulong sa DSWD?
Maaaring bumalik at mag-apply muli sa DSWD para sa financial assistance tuwing tatlong (3) buwan (every 3 months) kapag may patuloy o panibagong krisis.
6. Ano ang dapat gawain bago pumunta sa DSWD?
Upang maiwasan ang pabalik-balik at abala, siguraduhing kumpleto ang inyong mga requirements bago pumunta sa tanggapan ng DSWD.
- Mga Pangunahing Kakailanganin: Valid ID ng naglalakad/patient, Medical Certificate/Clinical Abstract, Statement of Account (SOA), Funeral Contract, o Doctor’s Prescription (depende sa uri ng tulong na hinihingi).
- Magsusuri at mag-aapruba ng inyong dokumento ang mga opisyal na registered social workers o ang tinaguriang “Angels in Red Vests” ng DSWD.
Tandaan ang serbisyo ng DSWD at ang pagpapalabas ng Guarantee Letter ay karapatan ng bawat Pilipino at pinagkakatiwalaan mula sa buwis ng taumbayan—hindi utang na loob sa sinumang politiko.