Inanunsiyo ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isasailalim na rin sa rehabilitasyon ang C5 road mula Kalayaan interchange hanggang Capitol Hills drive sa Commonwealth area.
Ito ang inihayag ni DPWH Secretary Giovanni “Banoy” Lopez nang inspekyunin nito ang Pasig Blvd – C5 Flyover kasama si Transportation Secretary Vince Dizon, ngayong umaga.
Ayon kay Lopez, posibleng simulan ang rehabilitasyon sa C5 sa huling linggo ng Nobyembre at tinatayang aabutin ng 420 calendar days o mahigit isang taon at dalawang buwan.
May pondo na at ongoing na rin ang procurement ng proyekto ani Lopez na gagawin naman by-phase upang di malaki ang maging abala sa mga motorista.
Samantala, bukas na muli sa daloy ng trapiko ang Pasig Blvd-C5 Flyover na pansamantalang ipinasara noong isang linggo matapos dumaan din sa pagkukumpuni.
Ayon sa DPWH, sumailalim sa retrofitting ang kalsada para mapalakas ang structural integrity nang sa gayon ay maging mas ligtas ito sa mga motorista.
Bahagi ang inspeksyon ng transition activities sa pagitan ng dalawang Kagawaran para tiyaking tuloy-tuloy ang pagkukumpuni at maintenance ng mga infrastructure project.