Screengrab courtesy of PTV
Tinawag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na “world-class” ang kasalukuyang itinatayong underground Clark Station ng North-South Commuter Railway (NSCR) project matapos ang isinagawang inspeksiyon.
Ayon kay Dizon, ang naturang istasyon ang magsisilbing susi upang magkaroon ng direkta at mas mabilis na koneksyon ang mga pasaherong manggagaling sa Makati City patungong Clark International Airport.
Inaasahang malaking ginhawa ang ibibigay nito sa mga biyahero at tutulong din sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Samantala, ibinahagi rin ng ahensya na target matapos at maging operational ang bahagi ng proyekto mula Valenzuela City hanggang Malolos, Bulacan sa unang bahagi ng taong 2028.
Ang NSCR ay isa sa mga pangunahing proyekto sa ilalim ng programang pang-imprastraktura ng pamahalaan na naglalayong pagdugtungin ang Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon sa pamamagitan ng modernong sistema ng tren.