Nailagan ng barko at bangka ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mapanganib na pagmamaniobra ng isang Chinese maritime militia vessel sa karagatang sakop ng Panata Island sa Kalayaan Island Group noong November 23.
Ayon sa PCG, nagsasagawa ng operasyon ang BRP Cabra upang paalisin ang dalawang barko ng Chinese maritime militia na ilegal umanong nakaangkla sa layong 5.1 at 5.2 nautical miles mula sa Panata Island.
Matapos utusan sa radyo na umalis sa lugar, direktang tinumbok ng Chinese maritime militia vessel na may numerong 11086 ang bandang likurang bahagi ng BRP Cabra sa bilis na 10 knots at nakalapit sa distansyang humigit-kumulang 200 yarda.
Agad namang nagmaniobra ang BRP Cabra upang maiwasan ang posibleng banggaan.
Tinangka rin ng naturang barko ng China na lapitan nang mapanganib ang inflatable boat na sinasakyan ng walong tauhan ng PCG.
Walang nasugatan sa insidente at wala ring naitalang pinsala sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Kalaunan ay lumayo rin sa Panata Island ang dalawang barko ng Chinese maritime militia habang namataan din sa lugar ang isang barko ng China Coast Guard na may bow number 4109.
Ayon sa PCG, ito ang unang pagkakataong nagsagawa ng ganitong kapanganib na pagmamaniobra ang Chinese maritime militia laban sa kanilang barko at inflatable boat sa karagatan ng Kota at Panata Islands.
Iginiit din ng PCG, na paglabag ito sa pandaigdigang regulasyon sa pag-iwas sa banggaan ng mga sasakyang pandagat at inilagay nito sa panganib ang buhay ng kanilang mga tauhan.
Sa kabila ng insidente, tiniyak ng PCG sa ilalim ng pamumuno ni Coast Guard Commandant Admiral Rommel Supangan na ipagpapatuloy nito ang presensya at pagbabantay sa Kalayaan Island Group.