Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magbibigay ng insentibo para sa mga pamilyang Pilipino na nais magpakabit ng rooftop solar panel sa kani-kanilang tahanan.
Lusot na sa committee ang substitute bill na naglalayong gawing mas abot-kamay ang renewable energy system para sa mga ordinaryong konsyumer.
Ayon kay Representative Miro Quimbo, Ways and Means Committee Chairperson, layunin ng panukala na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makagawa ng sarili nilang kuryente upang makatipid sa bayarin, lalo na’t hindi kontrolado ng bansa ang paggalaw ng presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng panukala, papayagan ang mga kwalipikadong konsyumer na magkabit ng “zero-export” renewable energy system.
Ibig sabihin, maaaring gamitin ng isang tahanan ang kuryenteng nalilikha ng kanilang solar panels sa maghapon upang mabawasan ang binibili nilang kuryente sa distribution utility, habang tinitiyak na hindi babalik sa main grid ang sobrang kuryente.