Nagpapasaklolo na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga retiradong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para aksyunan ng Kongreso ang panukalang pag-amyenda sa batas upang maibalik ang buong halaga ng kanilang pensyon.
Ayon kay Josefina Romero, kinatawan ng 132 retiradong tauhan ng PCG na naghain ng petisyon sa Korte Suprema, ini-refer ng hukuman sa Kongreso ang kanilang usapin dahil kinakailangang amyendahan ang Republic Act 9993 o Philippine Coast Guard Law.
Dahil dito ay nanawagan ang grupo kay Pangulong Marcos Jr., na bigyang-prayoridad ang panukalang batas na magbibigay-solusyon sa sinasabing maling retirement rank at magbabalik sa kanilang mga pensiyong nabawasan simula June 2017.
Ayon kay Romero, tinatayang halos P1 bilyong na rin ang kabuuang pension differential na inaasahan nilang maibalik.
Ilang taon na aniya nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng mga kilos-protesta, press conference, at pagdulog sa Korte Suprema.
Bagama’t nagpapasalamat sila sa pamunuan ng Philippine Coast Guard sa pagsusulong ng kanilang panukala sa Senado at Kamara, nais nilang matiyak na maisasama na ang kinakailangang pondo sa General Appropriations Act o GAA 2027.
Giit ng grupo, hindi lamang pera ang kanilang ipinaglalaban kundi pagkilala sa kanilang mahabang serbisyo sa bayan.
Umaasa sila na matapos nilang gampanan ang tungkuling ipagtanggol at bantayan ang karagatan ng Pilipinas, hindi naman sila makakalimutan ng pamahalaan sa panahong sila naman ang nangangailangan ng katarungan.