Inatasan na ng National Capital Region Police Office ang lahat ng yunit ng pulisya sa Metro Manila na paigtingin ang mga police security measures o hakbang panseguridad sa paligid ng mga bangko, automated teller machines, remittance centers, at iba pang financial institutions.
Ito’y upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong kapaskuhan.
Ayon kay NCRPO Acting Chief Police Brigadier General Christopher Abrahano, ito’y dahil sa inaasahang pagdami ng financial activities bunsod ng pagbibigay ng mga bonus, suweldo, remittance, at iba pang transaksiyon sa pagtatapos ng taon.
Saad pa ni Gen. Abrahano, palalakasin ng NCRPO ang presensiya ng mga pulis at paiigtingin ang pagpapatrolya sa commercial centers, business districts, at iba pa.
Layunin ng pinaigting na seguridad na hadlangan ang posibleng mga krimen, partikular ang pagnanakaw, panghoholdap, at iba pang paglabag.
Inatasan din ang mga yunit ng pulisya na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa mga pamunuan ng bangko, may-ari ng mga establisimyento, at mga guwardiya upang mapalakas ang kaayusan sa seguridad, mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon, at matiyak ang agarang pagtugon sa anumang kahina-hinalang aktibidad.