Naniniwala ang isang foreign policy expert na ang pagbubukas ng North Korea sa mga embahada para sa ilang bansa, kabilang ang Pilipinas, ay maaaring maging daan para sa mga negosasyong diplomatiko sa mga makapangyarihang bansa
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa Foreign Policy Expert na si Professor Lucio Pitlo III, sinabi nito mahalagang economic at defense partner ng ating bansa ang South Korea ngunit hindi dapat isantabi ang North Korea sa foreign policy ng Pilipinas.
Ayon kay Prof. Pitlo, isang malaking oportunidad para sa Pilipinas ang pagkakaroon ng diplomatic ties sa North Korea upang maisulong ang matagal ng panawagan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) member state para sa denuclearization ng Pyongyang.
Aniya, sakaling magkaroon ng sigalot sa Korean Peninsula, maaapektuhan din ang Pilipinas dahil maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa South Korea.
Dagdag pa ni Prof. Pitlo, maging ang pakikipagkalakalan, depensa at seguridad sa rehiyon ay maaapektuhan din dulot ng banta ng nuclear weapon sa Korean Peninsula.