Sa kauna-unahang pagkakataon, susubukan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapadala ng resulta ng halalan sa pamamagitan ng text message sa isasagawang special election sa Batanes.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, bumuo na ang komisyon ng guidelines para sa pilot testing ng naturang sistema.
Sa halip na hintayin pa ang hard copy ng opisyal na Certificate of Canvass of Votes and Proclamation, ipapadala muna sa pamamagitan ng text message ang resulta mula sa Municipal Board of Canvassers.
Ang mga chairman ng Municipal Board of Canvassers ang mangangasiwa sa pagpapadala ng resulta.
Nilinaw naman ni Garcia na kinakailangan ang pagsang-ayon ng mga kandidato, political parties at iba pang stakeholders bago ipatupad ang naturang proseso.
Sa pamamagitan nito, mas maagang matatanggap ng COMELEC ang resulta ng halalan habang hinihintay ang mga opisyal na dokumento.