Iminungkahi ni Senador Ping Lacson ang unti-unting pag-phase out sa Medical Assistance Program (MAP), dating MAIFIP, habang pinapalakas at ganap na ipinapatupad ang Universal Health Care (UHC).
Sa plenary deliberation ng 2027 budget ng Department of Health (DOH), pinunto ni Lacson na sa Senate version ng 2027 budget, P16.2 billion ang nakalaan sa MAP habang P1 billion lang ang inilaan sa UHC fund para sa zero balance billing sa mga ospital ng lokal na pamahalaan.
Aniya, masyadong malaki ang pondong napupunta sa MAP at maaari itong magamit sa political patronage habang kulang ang pondo para sa Universal Health Care.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Lacson na habang pini-phase out ang MAP ay dapat ilipat ang bahagi ng P16.2 billion na pondo ng MAP sa mga assistance center ng Senado at Kamara, bilang bahagi ng transition.
Suhestiyon din ng senador na maglagay ng special provision sa panukalang budget para maisakatuparan ang naturang sistema.
Samantala, sinabi ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na pag-aaralan ng DOH ang panukala ni Lacson para sa institutionalized transition mula MAP patungo sa UHC.