Nakahanda na ang Department of Education (DepEd) Albay para sa pagbubukas ng School Year 2026–2027 sa kabila ng pagsisimula ng panahon ng Habagat.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Pilipinas Albay kay Froilan Tena, Division Information Officer ng DepEd Albay, mahigit 220,000 mag-aaral ang inaasahang papasok sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ngayong School Year 2026-2027. Bilang paghahanda, patuloy ang pagsasanay ng mga guro para sa revised K to 10 curriculum at pinalakas na Senior High School program, habang nagpapatuloy rin ang Brigada Eskwela sa buong division.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, hindi muna papapasukin ang mga bata sakaling makaranas ng matinding pag-ulan. Nakaantabay rin ang Alternative Delivery Mode o ADM, kabilang ang online learning sa mga lugar na may internet access at modular learning sa mga komunidad na limitado ang koneksyon.
May nakahanda rin aniyang mga contingency plan para sa posibleng epekto ng bagyo, lindol, at pag-aalburoto ng Bulkang Mayon. Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa PNP, BFP, DOH, at iba pang partner agencies para sa agarang pagtugon sa anumang sakuna.
Samantala, natukoy na ng DepEd ang mga paaralang nasa flood-prone at landslide-prone areas at muli itong sasailalim sa inspeksyon ngayong Brigada Eskwela upang masuri ang kalagayan ng mga gusali at iba pang pasilidad bago ang pagbubukas ng klase.
Hinimok naman ng DepEd Albay ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at tiyaking handa ang mga ito sa pisikal, mental, at espiritwal na aspeto sa kanilang pagbalik eskwela.
Photo Courtesy: DepEd Albay