Kinansela ang 17 flight matapos ang pansamantalang pagsuspinde ng operasyon sa General Santos Airport kasunod ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kabilang sa mga apektadong biyahe ang 11 flight ng Cebu Pacific, apat na flight ng PAL Express, at dalawang flight ng Philippine Airlines.
Sa Cebu Pacific, kabilang sa mga kanselado ang mga biyahe sa rutang Manila–General Santos, General Santos–Manila, Cebu–General Santos, General Santos–Cebu, at Iloilo–General Santos.
Kanselado rin ang apat na biyahe ng PAL Express sa mga rutang Cebu–General Santos at Manila–General Santos, habang dalawang flight ng Philippine Airlines sa rutang Manila–General Santos at pabalik ang hindi rin natuloy.
Patuloy namang minomonitor ng CAAP ang sitwasyon at nagsasagawa ng inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasilidad bago tuluyang maibalik sa normal ang operasyon ng paliparan.