Dapat na nakatutok ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan at kapakanan ng mga biktima ng pagtama ng 7.8 magnitude na lindol na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ito ang dahilan, ayon kay Communications Usec. Claire Castro kung bakit hindi makikipagsabayan ang Pangulo sa pagpunta sa rehiyon sa kasalukuyan.
Paliwanag ng Palasyo, na pag nagtungo kasi agad ang Pangulo sa Mindanao, mahahati ang atensyon ng mga lokal na pamahalaan at security forces, at ito mismo ang ayaw ni Pangulong Marcos.
Ayaw aniya ng Pangulo na unahin pa siya ng mga otoridad doon.
“Ipinag-utos ang agarang pagkilos at pagsagawa ng kinakailangang paghahanda at pagtugon sa mga apektadong lugar. Pinangunahan na ngayon ng Office of Civil Defense at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang koordinasyon ng mga operasyon para tugunan ang sakuna at tuluy-tuloy na monitoring sa mga apektadong lugar.” —Castro
Sabi ni Castro, dapat na buo ang atensyon na natatanggap ng mga biktima ng lindol, kaya naman kumikilos na ang lahat ng kinauukulang tanggapan ng gobyerno, upang maipaabot ang pangangailangan ng mga ito.