Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakararating ang kanilang tulong kahit sa mga liblib at isolated na lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Sa DSWD Forum, sinabi ni Assistant Secretary for Resource and Logistics Management Leo Quintilla, na sa kabila ng mga hamon sa transportasyon at limitadong access sa ilang lugar, sinikap ng ahensya na maihatid ang kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Quintilla, kabilang sa mga lugar na nahirapang maabot ang bayan ng Glan sa Sarangani dahil sa pagkasira ng ilang kalsada. Sa tulong ng air assets at iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan, naipadala pa rin ang relief supplies sa mga residente.
Kabilang dito ang mahigit 5,100 Family Food Packs at mga galon ng tubig na naipadala sa Glan, Sarangani sakay ng isang fishing vessel kasama ang mga tauhan ng Philippine Marine Corps.
Dagdag pa niya, nabuksan na ngayong araw ang pangunahing daan patungong Glan kaya mas mapapabilis at mapapalawak pa ang paghahatid ng mga food packs at iba pang relief assistance sa lugar.
Nakarating na rin ang tulong ng DSWD sa Balut Island sa pamamagitan ng mga pribadong sasakyang pandagat at ng Philippine Coast Guard.
Maging ang mga isolated barangay sa Jose Abad Santos, Davao Occidental ay naabot na rin ng ayuda sa tulong ng Black Hawk helicopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dito isinakay ang karagdagang Family Food Packs at daan-daang galon ng inuming tubig para maihatid sa mga barangay ng Molmol, Quiapo, at San Isidro na hindi mapasok ng mga sasakyan dahil sa mga landslide.
Ayon sa DSWD, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para matiyak na walang pamilyang maiiwan sa pagbangon.