Handa na ang buong pwersa ng Manila Police District (MPD) para sa pagbabantay sa seguridad bukas, Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Sa panayam kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, sapat na tauhan ang kanilang ide-deploy upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa gitna ng inaasahang kaliwa’t kanang kilos-protesta.
Aniya, makakatuwang nila ang iba pang force multipliers mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), lokal na pamahalaan ng Maynila, at mga opisyal at tanod ng barangay.
Maglalatag din ang MPD ng mga checkpoint sa mga boundary ng lungsod ng Maynila bilang bahagi ng kanilang security measures.
Sinabi pa ni Ines na sa kasalukuyan ay wala silang natatanggap na anumang banta sa seguridad, ngunit mananatili pa rin silang mahigpit sa pagbabantay, pagmomonitor, at pagpapanatili ng alerto bago at hanggang matapos ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Una nang ininspeksyon ni MPD Director Police Brigadier General Arnold Santiago ang kahandaan ng mga pulis na ide-deploy upang magbantay sa pagdiriwang at mga aktibidad para sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sinabi ng MPD chief sa mga tauhan nito na panatilihin ang maximum tolerance sakaling dumagsa ang mga raliyista sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.