Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na sumasalamin umano sa liderato ng Marcos Jr. administration ang nagpapatuloy na sigalot sa Senado.
Ayon kay Communication Usec Claire Castro, hindi utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tensyon sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Aniya, ang naganap na gun-related incident sa Senado ay mayroong pagsang-ayon ni Senador Alan Peter Cayetano.
Bukod dito, inamin din aniya ni Senador Ronald dela Rosa na ang pagdalo nito sa Senado ay upang mapalitan ang Senate President, para sa impeachment ng Bise Presidente.
“Ang paulit-ulit na kasinungalingan ay naglalagay sa atin sa isang kumunoy. Habang ang Pangulo ay patuloy na nagtatrabaho para ayusin, mabigyan ng mga tulong para mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino lalung-lalo na’t may kinakaharap tayong global oil crisis pati na po ang nangyaring lindol sa Mindanao, patuloy na nagtatrabaho samantala ang Bise Presidente ay patuloy sa paninira at binabago ang naratibo.” —Castro.
Ayon pa sa Malacañang, ang mga personalidad na nasasangkot sa naturang mga pangyayari ay pawang malalapit na kaalyado ng Bise Presidente.
Malinaw aniya na ang nangyayari sa Senado ay resulta ng umano’y pag-abuso sa kapangyarihan ng iilan, upang protektahan ang kanilang kaalyado.
“Hindi totoo na patungkol daw sa kahinaan ng liderato sa administrasyon kung hindi ito ay sa patuloy na pang-aabuso sa kapangyarihan para lamang sa kanilang mga kaalyado. So, huwag sanang mamihasa sa pagdudungis ng iba para magmukhang biktima sa ating mga mata.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan