Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, lumarga rin ngayong araw ang Mega Job Fair ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Robinsons Galleria para sa mga aplikanteng naghahanap ng oportunidad na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay DMW Usec. Bernard Olalia, layon ng job fair na kilalanin ang overseas Filipino workers (OFWs) bilang mga makabagong bayani at mabigyan ng lehitimong oportunidad ang mga nagnanais magtrabaho abroad nang hindi mabiktima ng illegal recruitment.
Hangad din ng DMW na mabigyan ng panibagong oportunidad sa trabaho ang mga umuwing OFW mula sa Middle East.
Tinatayang mahigit 4,000 job orders ang alok sa job fair mula sa 13 licensed recruitment agencies, kabilang ang 3 manning agencies at 10 land-based agencies.
Kabilang sa mga bakanteng trabaho ang mga posisyon sa healthcare, manufacturing, administrative sa Estados Unidos, Canada, Guam, Australia, New Zealand, Japan, at ilang bansa sa Europa. Mayroon ding mga oportunidad para sa mga nais magtrabaho bilang seafarer sakay ng mga international vessel.
Bukod sa mga employer, nakilahok din sa job fair ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng OWWA, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund upang magbigay ng mga serbisyo at tulong sa mga aplikante.
Dinagsa naman ng mga job seeker ang naturang job fair, kabilang si Nica Mendoza na naghanda ng mahigit 20 kopya ng kanyang resume para mas marami daw ang kanyang ma-aplayan.#