Photo courtesy of DOLE Bicol
Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit ₱2.2 milyong halaga ng livelihood assistance sa 79 ambulant vendors sa Ligao City, Albay sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Umabot sa kabuuang ₱2,267,450.10 ang halaga ng mga ipinamahaging Nego-Carts at food vending paraphernalia na layuning makatulong sa mga benepisyaryo na mapataas ang kanilang kita, at mas mapatatag ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa ahensya, bahagi ng programa ang pagbibigay ng kinakailangang kagamitan upang masuportahan ang kabuhayan ng mga vendor at mapalawak ang kanilang pagkakakitaan.
Samantala, pinaalalahanan ni OIC-Regional Director Atty. Nepomuceno Leaño II, CPA ang mga benepisyaryo na ang mga livelihood package ay ipinagkaloob ng pamahalaan nang walang bayad at dapat gamitin lamang para sa nakatakdang layunin nito upang matiyak ang tagumpay at pagpapatuloy ng kanilang mga negosyo.