Isa sa mga tampok na activities sa pagdiwang ng Araw ng Kalayaan ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ na inihandog ng Department of Labor and Employment o DOLE Agusan del Norte.
Isinagawa ito sa isang mall sa Butuan City kasabay ng Trabaho Agad Job Fair at One-Stop-Shop serbisyo caravan.
Naging mabenta sa Kadiwa ang mga sariwang gulay, bigas, meryenda, chips, herbal products, at iba pang lokal na produkto. Isa itong pamamaraan ng DOLE para suportahan ang mga lokal na magsasaka, manggagawa, at MSME o Micro Small and Medium Enterprises habang ipinopromote ang mga de-kalidad na produkto sa mas malaking target market.
Limang association na benepisyaryo ng DILP o DOLE Integrated Livelihood Program ang nabigyan ng pagkakataon na makapagtinda ng kanilang mga produkto sa Kadiwa.
Sinamantala naman ito ng maraming mamimili dahil sa abot-kaya na presyo. Ayon sa pinakahuling ulat, umabot sa mahigit P26,000 ang sales ng Kadiwa ng Pangulo sa Butuan.
Nasa labinglimang indibidwal naman ang natulungang magkaroon ng kita sa ilalim ng TUPAD Program matapos sila ang nagsilbing tindero/tindera ng isinagawang Kadiwa.




