Photo from DOH Bicol
Hinikayat ng Department of Health (DOH) Bicol at Camarines Norte Provincial Hospital ang publiko, lalo na ang mga kalalakihang nasa edad 50 pataas, na mamuhay nang malusog at agad magpakonsulta upang maiwasan at maagapan ang prostate cancer.
Sa isang press conference, sinabi ni Dr. Israel H. Zantua, Public Health Unit Head ng Camarines Norte Provincial Hospital, na nagagamot ang prostate cancer kung ito ay matutukoy sa maagang yugto at mataas ang tsansa ng paggaling ng mga pasyente.

Batay sa datos ng GLOBOCAN, umabot sa 9,700 kaso ng prostate cancer ang naitala sa Pilipinas noong 2022, kung saan mahigit 4,000 ang nasawi dahil sa naturang sakit. Ayon pa kay Dr. Zantua, mas tumataas ang posibilidad na magkaroon nito habang tumatanda ang isang tao.

Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ang madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, pagkakaroon ng dugo sa ihi o semilya, at pananakit ng ibabang bahagi ng likod, balakang, o mga buto.
Dagdag pa ng opisyal, ang pagtanda, pagkakaroon ng kasaysayan ng sakit sa pamilya, obesity, kakulangan sa pisikal na aktibidad, at hindi wastong pagkain ay ilan sa mga panganib na kaugnay ng prostate cancer. Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na kumain ng masusustansyang pagkain, regular na mag-ehersisyo, at sumailalim sa regular na pagpapasuri sa mga health facility.