Isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic ang dalawang araw na Organizational Renewal Program o Batch 2 na pinamagatang “SUBIC, RISE! – From Compliance to Commitment” upang higit na mapalakas ang mga pagpapahalaga, pagkatao, at dedikasyon ng mga kawani sa paglilingkod sa publiko.
Pinangunahan ang programa ni Dr. Jonathan Jude Baldo ng Lighthouse Foundation, Inc. bilang bahagi ng patuloy na pagbabago sa BOC sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, alinsunod sa kaniyang I AM BOC Program na nakatuon sa Integrity, Accountability, and Modernization.
Sa pamamagitan ng values-based learning, talakayan, at personal na pagninilay, binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng integridad, katatagan sa gitna ng pressure, pananagutan, at pag-una sa kapakanan ng sambayanang Pilipino kaysa sa pansariling interes.
Sa pamumuno naman ni District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay, patuloy na pinatitibay ng Port of Subic ang kultura ng propesyonalismo, etikal na pamumuno, transparency, at accountability sa hanay ng mga kawani.
Binigyang-diin din na ang tunay na reporma sa institusyon ay nagsisimula sa bawat indibidwal na gumagawa ng tama, kahit walang nakatingin.