Nakaalerto ngayon ang mga tauhan ng Davao City Police Office (DCPO) para sa agarang pagresponde sa panahon ng disaster sa lungsod.
Inihayag ni DCPO Spokesperson Maj. Maria Teresita Gaspan sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps sa The Royal Mandaya Hotel, nakahanda ang Disaster Response Teams ng bawat police stations sa lungsod upang makabigay ng agarang aksyon.
Ayon kay Gaspan na bukod sa lindol, pinaghahandaan din ng kapulisan ang posibleng pagbaha at landslide dahil nakakaranas din ng malalakas na pag-ulan ang lungsod.
Dagdag ng tagapagsalita na mayroon na rin silang koordinasyon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office para sa sabayang pag-responde sa anumang disaster na mangyayari sa siyudad.