Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na mapapasimulan na at target na matapos ngayong taon ang redevelopment project ng MT Villanueva Ave. sa Naga City.
Naibahagi ito ng kalihim sa kanyang muling pag-inspeksyon sa lugar kasama si Naga City Mayor Leni Robredo gayundin si National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda, mga kinatawan mula sa DPWH, LGU Naga at ibang stakeholders.
Ikinatuwa rin aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano ng proyektong ito sa Naga City at sinabing dapat kaparehong plano na rin ang gawin sa iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, nagpasalamat si Naga City Mayor Robredo na naaprubahan ito ng DPWH at ang NEA para sa underground cabling sa proyektong ito.
Umaasa naman ang alkalde na maging modelo ito para sa ibang kalsada sa lungsod at sa buong bansa.
Kabilang sa planong redevelopment ay ang pagkakaroon ng shared PUV at Bike lane, lay-by para sa mga sasakyan, waiting shed para sa mga commuters, tactile pavement indicators para sa mga PWDs at iba pa.