Nanawagan si Finance Secretary Frederick D. Go sa banking industry na higit pang palawakin ang financial inclusion upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa mga serbisyong pinansyal.
Ito ang mensahe ng kalihim sa ginanap na 75th Anniversary Client Appreciation Event ng Security Bank.
Ayon kay Go, mahalagang buksan ang mas maraming oportunidad para sa mga maliliit na negosyo at iba pang sektor na madalas na nahihirapang makakuha ng sapat na akses sa pondo.
Hinimok din niya ang mga bangko na palawakin ang pagpapautang sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs na itinuturing na backbone ng lokal na ekonomiya.
Binigyang-diin ni Go na ang tiwala ng publiko at ng mga mamumuhunan sa mga bangko ay mahalagang salik sa paglago ng ekonomiya.
Aniya, kung matatag at inklusibo ang mga institusyong pinansyal, mas magiging madali para sa mga negosyo at pamilyang Pilipino na makahiram, makapagplano, makapag-invest, at umasenso.